Umabot sa 529,578 motorista ang hinuli ng Land Transportation Office (LTO) noong nakalipas na taon dahil sa pinaigting na implementasyon ng road safety at iba pang batas trapiko sa buong bansa.
Dahil dito, inatasan pa ni LTO Chief Vigor Mendoza II ang lahat ng Regional Directors na panatilihin ang presensya ng LTO traffic enforcers sa mga kalsada upang mapilitang tumino ang mga motorista.
Batay sa datos ng LTO, ang karaniwang dahilan ng pagkakahuli sa mga motorista ay dahil sa paglabag sa Clean Air Act o Republic Act 8749, Seatbelt Law Act o RA 8750 at ang overloading.
Kabuuang 23,615 motor vehicles ang na-impound ng LTO na may 47% increase kumpara sa na-impound noong 2022.
Pinayuhan ni Mendoza ang mga motor vehicle owner na sumunod sa batas trapiko at iba pang road safety rules and regulations.
Lalo pa ngayong pinasimulan na ng LTO ang mahigpit na pagpapatupad ng “No Registration, No Travel” policy.
Sa ngayon aniya, nasa 24.7 million delinquent motor vehicles ang may expired registration.
Kumakatawan ito sa 65% ng kabuuang behikulo sa bansa. | ulat ni Rey Ferrer