Inilatag ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa mga Metro Manila mayor ang mga plano para sa pagpapatupad ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing Program o 4PH Program.
Ito’y sa isinagawang pulong ng Metro Manila Council (MMC) sa tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Pasig City, ngayong araw.
Ayon kay DHSUD Undersecretary Avelino Tolentino III, nasa 170 units ang unang itatayo para sa mga mapipiling informal settler families (ISFs) subalit hindi muna tinukoy kung saan ito.
Sa panig naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, sinabi nito na ito na ang katuparan ng pangarap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mabigyan ng libreng pabahay ang mga mahihirap na Pilipino.
Ito ay sa ilalim ng programa ng pamahlaan na Bagong Pilipinas para sa taong 2024, kung saan hindi na kailangan pang ilipat ang mga informal settler family bagkus ay magtatayo na ng disenteng pabahay sa lugar kung saan sila nakatira.
Nagpahayag naman ng suporta rito sina Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora at Malabon City Mayor Jeanie Sandoval. | ulat ni Diane Lear