Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mas pabibilisin ng kanyang administrasyon ang paghahatid ng kailangang serbisyo para sa mamamayan sa taong 2024.
Sa mensahe ng Chief Executive, inihayag nitong maisasakatuparan ang mas mabilis na pagbibigay ng serbisyo publiko sa pamamagitan ng pag-aalis sa mga patakaran o polisiya na nagpapabagal sa proseso sa pag-usad ng isang proyekto.
Binigyang-diin ng Chief Executive na sa sandaling may pagka-antala kasing maganap sa isang proyekto ng pamahalaan ay mistulang pagkakait na din ito ng kailangang progreso para sa mga tao.
Ang mga pagbabago sa mga polisiya sabi ng Pangulo ay aabot sa mga transaksiyong may kinalaman sa pag-iisyu ng mga dokumento at lisensya na aniya’y hindi dapat maging mabagal.
Committed ayon sa Pangulo ang pamahalaan na ipatupad ang gagawing mga pagbabago sa ngalan na din ng mas epektibong pagbibigay serbisyo sa publiko na kailanman ay hindi dapat maantala sa anomang kaparaanan. | ulat ni Alvin Baltazar