Tiniyak ni Speaker Martin Romualdez na patuloy na susuporta ang Kamara kay Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. para mapababa ang inflation at presyo ng pagkain.
Kasunod ito ng naitalang 3.9% inflation rate para sa buwan ng December 2023.
Ayon kay Romualdez, noong pagpasok ng 2023 ay sinalubong ng bansa ang pinakamataas na inflation rate sa 8.7%.
Ngunit dahil na rin sa mga intervention na ipinatupad ng administrasyong Marcos Jr. ay napababa ito at pasok pa nga sa target na 2% hanggang 4% inflation.
“We are happy about this encouraging piece of good news, especially for our people. The easing of inflation last month meant that food prices were still down despite the fact the December and the Christmas season usually see prices jumping to unreasonable levels,” saad ni Speaker Romualdez
Isa aniya sa mga hakbang na ipinatupad ng pamahalaan na malaki ang naitulong ay ang pagpapataw ni PBBM ng P45 na price cap sa kada kilo ng bigas noong Setyembre.
Tinukoy naman ni Speaker Romualdez na mananatiling nakatutok ang Kamara sa pagtataguyod ng mga programa, lalo na ang mga pinondohan sa 2024 national budget, na higit na magpapababa ng inflation.
Kabilang aniya dito ang P500 billion na pondo para sa iba’t ibang ayuda program gaya ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Tulong Pang-hanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).
Kasama rin dito ang bagong programa na AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita kung saan bibigyang ng one-time cash assistance na P5,000 ang mga near poor na pamilya.
“It’s a P60-billion fund, whose aim is to provide direct cash assistance to the ‘near poor’ or families earning up to P23,000 a month. At least 12 million households will benefit from it, including low-income workers like those in construction and factories, drivers, food service crew, and the like,” sabi ng House Speaker.
Mayroon din aniyang sapat na pondo para sa mga magsasaka at mangingisda upang mapalakas ang kanilang ani at huli.
“We have to assist those in our agriculture sector, including those engaged in agri-business, so they can produce more. More rice, more fish, more vegetables, more staple food will translate to lower prices,” aniya.
Patuloy din aniyang babantayan ng Kamara ang presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin at gagamitin ang oversight powers ng Kapulungan para imbestigahan ang mga iligal na gawain.
“We will continue to monitor the prices of rice and other staples. If we notice an unreasonable and unjustified increase, we will not hesitate to recommend to the President the reimposition of a price limit,” saad ni Speaker Romualdez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes