Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na huhulihin nito ang mga public utility vehicle driver na hindi nag-consolidate o sumama sa kooperatiba o korporasyon noong December 31.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III, simula January 1 hanggang 31 sisilbihan muna nila ng show cause order ang mga ‘unconsolidated PUV’ bilang bahagi ng due process.
Pagsapit ng February 1 ay sisimulan ang hulihan at ituturing na colorum ang mga ‘unconsolidated PUV.’
Tinatayang nasa 38,000 naman na mga ‘unconsolidated PUV’ ang apektado ng nasabing hakbang ng LTFRB.
Paliwanag naman ni Guadiz na mayroon pang pagkakataon ang mga PUV operator at driver na hindi pa nakapag-consolidate at maaari pa silang sumali sa mga kooperatiba at korporasyon para sila ay muling makabiyahe.
Maliban dito, sinabi ng LTFRB na magbibigay ng ayuda ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa mga maaapektuhan ng pagpapatupad ng PUV Modernization Program ng pamahalaan. | ulat ni Diane Lear