Dapat panagutin ang mga responsable sa malawakang power outage sa Panay Island.
Ito ang binigyang-diin ni Iloilo 1st District Representative Janette Garin kasabay ng anunsyo na maghahain siya ng resolusyon para paimbestigahan ang insidente.
Aniya kailangan managot ang mga indibidwal na hindi ginawa ang kanilang mandato kaya nawalan ng kuryente ang Guimaras Island, Iloilo, Antique, Aklan, at Capiz.
Punto ng mambabatas, malaki ang epekto nito sa kabuhayan ng mga taga-Panay lalo na ang mga may maliliit na negosyo at mga nagtitinda ng mga pagkain.
“Maraming nasirang ingredients ng ating MSMEs na mga kainan. Mga isda ng mangingisda sira din. Parang hindi magandang pagsalubong sa taong 2024,” sabi ni Garin.
Kasabay nito ay pinamamadali ni Garin sa Department of Energy (DOE) at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang pagresolba sa isyu ng kawalan ng kuryente gayundin ay hanapan ng solusyon ang pangmatagalang suplay ng kuryente sa rehiyon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes