Tiniyak ni Senador Jinggoy Estrada na buo ang suporta ng mga senador sa liderato ni Senate President Juan Miguel Zubiri at sa pangako nitong economic provisions lang ng Saligang Batas ang babaguhin sa isinusulong na charter change (cha-cha).
Nauna nang sinabi ni Zubiri na hindi kailangang mangamba ng publiko sa cha-cha dahil economic amendments lang ang gagawin at katunayan ay tinataya pa nito ang kanyang Senate presidency para dito.
Pinahayag naman ni Estrada, na miyembro ng Senate Committee on Constitutional Amendments, na bukas siya para sa economic cha-cha.
Giniit ng senador na hindi ito pwedeng madaliin at dadaan ito sa normal na proseso ng mga pagdinig gaya ng ibang mga panukala sa Mataas na Kapulungan.
Naniniwala rin ang mambabatas na kung sa pamamagitan ng people’s initiative (PI) gagawin ang cha-cha ay hindi masisigurong economic provisions lang ang gagalawin.
Kaugnay nito, suportado naman ni Estrada ang isinusulong na imbestigasyon sa Senado tungkol sa pagpapapirma at panunuhol diumano para sa people’s initiative. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion