Imbes na ikatakot ay dapat pakinggan ng Senado ang kagustuhan ng taumbayan kaugnay sa isinusulong na people’s initiative (PI).
Ito ang sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda matapos lumagda ang 24 na senador sa isang manifesto na nagbabasura sa People’s Initiative upang maamyendahan ang 1987 Constitution.
“Sa tao naman tayo makinig hindi sa bente kuwatrong tao…only seven senator can trump the voice of the 12% of the population… they are free to campaign against the petition” saad ni Salceda sa isang ambush interview.
Sabi pa ni Salceda, dadaan pa rin naman ang PI sa plebesito para tanungin ang boses ng mga botante kung pabor ang mga ito na amyendahan ang Saligang Batas.
“The best checks and balances are from the people so. 12.1% lang naman yan e. What about the rest? You still have 88%, you have to face them.” Giit ng Albay solon.
Kasabay nito ay ibinasura din ni Salceda ang mga alegasyon ng panunuhol at iba pang iligal na gawain upang makakuha ng pirma.
Aniya, hindi ganoon kababaw ang mga Pilipino para pumirma na lamang ng basta-basta.
“Madali naman po talagang mag name calling. Pero yung 12.1% of the population that signed on I think, masyado naman mababaw ang tingin mo isa mga tao kung ganun. Hindi mo basta-basta mapapapirma yun…mayroong Bintang, yes pero sa tingin ko ang Pilipino hindi naman ganun kababaw para basta na lang pipirma…the limiting factor there is, the constitution always refers to 3% of a district. And a district is always represented by a congressman, diyan ang pinagsisimulan po ng mga bintang o kung ano pa.” Sabi ni Salceda
Batay sa datos na nakuha ni Salceda nakakalap na ang proponents ng PI ng 12.1%, higit pa sa kinakailangang bilang na nakasaad sa batas para umusad ang PI. | ulat ni Kathleen Forbes