Tinutulan ng mga senador ang gumugulong na People’s Initiative para amyendahan ang Saligang Batas ng Pilipinas sa pamamagitan ng constituent assemby kung saan bobotong magkasama ang Senado at Kamara.
Nagkakaisang pinirmahan ng lahat ng mga senador ang isang manifesto na nagpapahayag ng kanilang pagtutol sa P-I.
Ang manifestong ito ang naging bunga ng caucus ng mga senador nitong Lunes.
Una nang sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na nawawalan na ng interes ang ilang mga senador sa pagsusulong ng charter change dahil sa nangyayaring People’s Initiative.
Nanawagan na rin si Villanueva sa Commission on Elections (COMELEC) na i-invalidate ang mga pirma para sa P-I at sinabing handa silang tumulong na magpakita ng mga ebidensyang magpapatunay na marami sa mga pumirma sa People’s Initiative ay hindi alam ang kanilang pinipirmahan habang ang ilan ay napilitan at nasuhulang pumirma.
Nanawagan na rin si Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa mga Pilipinong napilitang pumirma para sa petisyon sa P-I na magsumbong.
Nangako si Dela Rosa sa mga ito na tutulungan silang mapanagot ang mga nang aabuso sa kanilang karapatan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion