Ilang oras bago sila ipagbawal magtinda sa paligid ng simbahan, sinasamantala ngayon ng mga nagtitinda sa Quiapo ang dagsa ng mga tao at deboto na pumupunta sa lugar para sa taunang selebrasyon ng Pista ng Itim na Nazareno.
Simula mamayang gabi kasi hanggang Enero 9 ay pansamantalang aalisin muna ang mga vendors sa paligid ng Quiapo Church para bigyang daan ang mga makikilahok sa mga misa sa simbahan at sa prusisyon sa Martes.
Kaya naman puspusan ang pagtitinda ng ilan sa ating mga kababayan para mabawi ang kanilang ipinuhunan.
Mabenta sa mga bumibisita sa Quiapo ang mga kalendaryong may imahe ng Poong Nazareno, miniature figures, mga tuwalya, at head band na may nakasulat na Viva Nazareno.
Pero babala ng pulisya kapag nagsimula na ang ban sa mga nagtitinda sa paligid ng simbahan, huhulihin nito ang mga susuway sa kautusan.
Kasabay na huhulihin ang mga lalabag sa umiiral na gun ban at liquor ban mula Enero 8-10.
Ngayong taon, inaasahan ng mga awtoridad na aabot sa higit sa 2 milyon katao ang lalahok sa prusisyon ng Nazareno pagsapit ng Enero 9, araw ng Martes. | ulat ni EJ Lazaro