Hihilingin ngayon ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Land Transportation Office (LTO) na i-revoke o bawiin ang lisensya ng driver ng kotseng nagtangkang tumakas dahil sa pagdaan sa ESDA Busway.
Ito’y ayon kay MMDA Acting Chairperson, Atty. Don Artes, matapos ang ginawa nilang imbestigasyon hinggil sa nangyaring insidente kahapon ng umaga.
Ayon kay Artes, batay sa kuha ng CCTV footage mula sa MMDA Metrobase, pinatatabi na ng nakamotorsiklong traffic auxillary ang kotse dahil sa labas-masok ito sa busway.
Pero sa halip na sundin ang naninitang enforcer ay binangga pa nito ang motorsiklo at agad na kumaripas ng takbo hanggang sa masukol ng mga tropa ng MMDA at bumangga sa concrete barrier.
Sa isang panayam naman sa driver ng kotse, inamin nitong naka-inom siya ng alak subalit mariin nitong itinatanggi na dumaan siya sa busway.
Maliban sa pagbawi ng lisensya, mahaharap din sa reklamong damage to property ang naturang driver. | ulat ni Jaymark Dagala