Nagkasa ng clearing operations ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Sidewalk Clearing Operations Group sa harap ng simbahan ng Baclaran sa Parañaque City ngayong umaga.
Ito’y para mapaluwag ang daloy ng trapiko partikular na sa bahagi ng service road ngayong unang Miyerkules ng taon kung saan dagsa ang mga deboto dahil araw ng pamamanata sa dambana ng Ina ng Laging Saklolo.
Kapansin-pansin ang makapal na bilang ng mga nagtitinda sa service road ng Roxas Boulevard northbound partikular na sa harap ng simbahan gayundin sa bahagi ng Redemptorist Road at tuloy-tuloy hanggang sa bahagi ng Pasay City.
Mula kaninang alas-6 ng umaga, mabigat na daloy ng trapiko ang nararanasan sa bahaging ito ng Parañaque City subalit mas maalwal na ito kumpara noong huling linggo ng Disyembre ng nakalipas na taon dahil sa pagsasara ng EDSA Roxas Boulevard Flyover. | ulat ni Jaymark Dagala