Umapela ang Metro Manila Development Authority o MMDA sa iba’t ibang opisyal at ahensya ng Pamahalaan na paalalahanan ang kanilang mga tauhan hinggil sa mga panuntunang ipinatutupad sa EDSA Busway.
Ito’y kasunod na rin ng ikinasang operasyon sa northbound lane ng EDSA – Corinthians, pagbaba ng Ortigas Flyover kung saan, karamihan sa mga nahuling motoristang lumalabag sa EDSA Busway ay pawang Government vehicles.
Ayon kay MMDA Special Operations Group -Strike Force Officer-In-Charge Gabriel Go, seryoso sila sa pagpapatupad ng batas trapiko at wala silang sisinuhin sa mga lumalabag dito.
Dapat aniyang magpakita ng mabuting halimbawa ang mga sasakyan ng Pamahalaan lalo na kung hindi naman sila kabilang sa mga sasakyang pinapayagang dumaan sa EDSA Busway gaya ng Ambulansya, rerespondeng Pulis.
Una nang inilahad sa kautusan ng DOTr na bawal na ang mga sasakyan ng Pamahalaan na dumaan sa EDSA Busway maliban na lang sa mga nabanggit gayundin kung ito’y kabilang sa convoy ng 5 pinakamataas na opisyal ng bansa.
Kanina, ilan sa mga nahuli ay isang SUV na may plakang no.7, pribadong sasakyan ng isang mambabatas, Pulis na naka-motorsiklo, sasakyan ng Department of National Defense at Philippine Marine Corps. | ulat ni Jaymark Dagala