Binigyang diin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi lamang ang kanilang tanggapan ang nagdi-desisyon sa pagtatalaga ng pamasahe sa mga pampublikong transportasyon.
Pahayag ito ni LTFRB Director Zona Tamayo, sa gitna ng pangamba na papalo sa P50 ang minimum fare ng modern jeepney, limang taon mula ngayon.
Sa press briefing sa Malacañang, ipinaliwanag ng opisyal na kailangan muna nilang konsultahin ang National Economic and Development Authority (NEDA) sa usapin ng pasahe, lalo’t makakaapekto ito sa inflation rate ng bansa.
Wala aniyang basehan ang mga pangamba na aakyat sa P50 ang pasahe sa modern jeep, lalo’t noong nagsisimula pa lamang ang PUV modernization anim na taon na ang nakakalipas, nasa P11 ang singilan sa jeep ngunit ngayong 2023 nasa P15 lamang ang pasahe sa modern jeepney. | ulat ni Racquel Bayan