Nakatakda na ngayong araw, January 17, ang pagharap sa tanggapan ng Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) ng motoristang tatlong beses nang nag-viral dahil sa mga kinasangkutang road rage incident sa Quezon City.
Nakasaad ito sa inisyung Show Cause Order ng LTO noong January 5 sa unang road rage incident nito.
Matatandaang binatikos online ang motoristang tinawag na “Mang Boy” matapos masangkot sa ilang road rage incident.
Una itong nag-viral noong Disyembre 2023 na sinundan ng isa pang insidente noong January 4, at pinakahuli ay nito lamang January 12.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng LTO, maaaring maharap ang naturang motorista sa Obstruction of Traffic at Improper Person to Operate a Motor Vehicle na may maximum penalty na kanselayon ng driver’s license.
Kaugnay nito, hinikayat ni LTO Chief Vigor Mendoza II ang sangkot na driver na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ahensya.
Muli rin nitong pinaalalahanan ang mga motorista na huwag pairalin ang init ng ulo sa kalsada. | ulat ni Merry Ann Bastasa