Nais ni Senador Sherwin Gatchalian na magkaroon ng mas mabigat na parusa sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) o sa sinumang magdudulot ng malawakang pagkawala ng kuryente.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Energy tungkol sa naging blackout sa Panay Island nitong unang linggo ng Enero, sinabi ni Gatchalian na nais niyang makabuo ng isang panukalang batas na magpapataw ng multa na katumbas ng ibubungang economic loss sa isang lokal na pamahalaan ng malawakang blackout.
Naniniwala kasi ang senador na sa tulong nito ay mas seseryosohin ng NGCP at distribution utilities ang maayos na pagsusuplay ng kuryente sa mga consumer.
Sa kasalukuyan kasi, ayon kay Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Monalisa Dimalanta, nasa ₱50-million pesos lang ang maximum na penalty na maaari nilang ipataw sa sinumang mapapatunayang nagpapabaya.
Bukod pa dito, sa national treasury rin aniya mapupunta ang multa at hindi sa mga consumer na naapektuhan ng power outage.
Una nang sinabi ni Iloilo Governor Arthur Defensor Jr. na aabot sa ₱3.8-billion pesos ang nawala sa ekonomiya ng kanilang probinsya sa apat na araw na kawalan ng kuryente. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion