Nanindigan ang Department of Transportation (DOTr) na walang sisinuhin ang sinumang motoristang daraan sa EDSA busway lalo’t kung hindi naman sila awtorisadong dumaan dito.
Iyan ang inihayag ng kagawaran matapos na matiketan ang isang nagpakilalang miyembro ng Airport Police nang hulihin ito ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa northbound lane ng EDSA-Guadalupe kahapon.
Batay sa report, sinita ng MMDA constable ang naturang motorista subalit pilit nitong tumatangging ibigay ang kaniyang lisensya.
Dahilan, upang humantong ito sa mainitang pagtatalo at inagaw pa ang cellpone ng enforcer na dinodokumento ang pangyayari.
Gayunman, hindi nagpatinag ang mga tauhan ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) at inisyuhan pa rin ng violation ticket ang nagpakilalang Airport Police na posible pang maharap sa reklamong administratibo.
Muli naman ang paalala ng SAICT sa mga motorista na tanging ang mga awtorisadong sasakyan na nakasaad sa resolusyon ng DOTr ang maaaring dumaan sa EDSA busway.
Sinumang lalabag ay maaaring pagmultahin ng ₱5,000 hanggang ₱30,000 at maaari pang irekomendang bawiin ang kanilang mga lisensya sakaling mapatunayan ang bigat ng kanilang pagkakasala. | ulat ni Jaymark Dagala