Nanawagan si Senadora Grace Poe sa Department of Justice na tuldukan na ang problema kaugnay sa mga tiwaling tauhan ng Bureau of Immigration.
Ito ay kasunod ng kumpirmasyon na may mga employment visas ang naibigay sa daang-daang pekeng kumpanya.
Ayon kay Poe, nakakaalarma ang impormasyon at nagdudulot ito ng banta sa peace and order ng Pilipinas.
Kailangan aniyang tiyakin ng DOJ na tuluyan nilang matitigil ang iligal na sistemang ito at mapapatawan ng parusa ang mga tiwaling immigration personnel.
Nasaksihan naman na aniya ng publiko kung paanong nakaapekto sa peace and order ang mga krimeng may kaugnayan sa mga POGO na pinapasukan ng foreign workers.
Babala ni Poe, magpapatuloy ang mga iligal na aktibidad kung patuloy namang bubuksan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang ating bansa sa mga illegal foreigners. | ulat ni Nimfa Asuncion