Umaasa ang National Security Council (NSC) na ipatutupad ng China on ground ang mga napagkasunduan ng Beijing at Maynila na palalimin pa ang konsultasyon at pababain ang tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
“We were hoping na ngayong 2024 ay mas magiging tahimik ang West Philippine Sea. Ngunit dito sa huling kaganapan, kung saan nagkaroon na naman ng pagtataboy o harassment ang ating mga fisherman sa kamay ng Chinese Coast Guard ay ikinababahala natin ito and we condemn this latest provocative action on the part of the Chinese Coast Guard, laban sa ating mga mangingisda.” —Malaya
Pahayag ito ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya kasunod ng pinakahuling insidente ng pangha-harass o pagbuntot ng Chinese Coast Guard (CCG) sa mga Pilipinong mangingisda na humango ng sea shells sa lugar.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, nagpahayag ng pagkondena ang opisyal sa aksyong ito ng China.
Maganda na sana aniya ang simula ng 2024 lalo’t naging maayos ang mission ng pamahalaan sa ibang features na hinahawakan nito.
“Maganda sana iyong simula ng taon, kasi naging maayos iyong mga misyon natin sa ibang mga features na hinahawakan ng ating bansa at nagkaroon ng bilateral consultation mechanism ang Pilipinas at ang Tsina sa China. This was like last week, at dito nga, eh nagkaroon ng pag-u-usap iyong dalawang panig na magkaroon ng mas malalim na konsultasyon at pababain ang tension sa West Philippine Sea.” —Malaya
Bukod dito, katatapos lamang rin aniya ng bilateral consultation mechanism ng dalawang bansa nitong nakaraang linggo, ngunit ganito naman ang ginawa ng China.
“Ang pakiusap natin sa China ngayong 2024 at sila naman ang magsa-Chinese New Year, sana tapatan nila ng aksyon sa ground iyong ating napag-usapan between the Philippine government and the Chinese government of China. Tapat nila ito at sana moving forward ay ma-implement iyong pag-uusap. Kasi, it is not in the interest of the Philippines, nor with China na tumaas ang tensyon ngayong 2024.” —Malaya | ulat ni Racquel Bayan