Ipinahayag ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na sinunod lang nila ang protocol ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa pagtugon sa multiple plant shutdown sa Panay.
Ayon kay NGCP National System Operations Head Clark Agustin, base sa kanilang record at datos ay walang abnormality sa voltage mula sa oras ng pag shutdown ng PEDC1 bandang 12:06pm at shutdown ng PCPC bandang 2:19pm noong January 2.
Ipinaliwanag rin nitong base sa Philippine Grid Code (PGC), sa mga pagkakataong may unplanned power outage ng isang planta pero nananatiling stable ang system ay hindi pwedeng magsagawa ng manual corrective intervention para maiwasan ang inaasahang pag-ulit ng power outage.
Kaya naman dahil wala aniya silang nakitang overloaded lines at walang tripping ng lines ay normal na dispastching at proseso lang ang ginawa nila.
Sinabi rin ng NGCP na walang system indication para maikatwiran ang manual load drop o ang pagdidisconnect ng mga end-users tulad ng mga household, business at industries sa sistema upang ma-regulate ang voltage sa unang dalawang oras ng power loss.
Ito kasi aniya ay malinaw na paglabag rin sa PGC.| ulat ni Nimfa Asuncion