Puspusan na ang isinasagawang desilting at clearing operations ng National Irrigation Administration Bicol sa mga kanal na daluyan ng tubig sa mga irigasyon.
Gamit ng NIA Bicol ang walong bagong excavators o backhoe units na dumating nitong Disyembre 27 sa kanilang opisina. Nilalayon nitong makatulong na mapaayos at mapabilis ang pagsasagawa ng mga Operation and Maintenance activities para sa mga magsasaka.
Isinagawa sa nasabing clearing operation ang pag-alis ng mga bato o anumang nakabara sa daluyan ng tubig.
Ayon sa NIA Bicol, kasalukuyang ginagamit ng Irrigation Management Offices at Satellite Offices ang walong excavators sa anim na probinsya ng Bicol.
Anila, sa pamamagitan ng mga bagong makinarya, mas napapabilis at epektibo ang pagpapanatili ng malinis at maayos na daloy ng tubig sa mga irigasyon. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay
Photo: from NIA Bicol