Umaarangkada na sa iba’t ibang lugar sa bansa ang pinahigpit na kampanya ng Land Transportation Office na “No Registration, No Travel” policy at Anti-Colorum Operations.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, abot sa 18 motorsiklo ang na-impound sa isinagawang enforcement activity sa MIMAROPA kahapon.
Kabuuang 112 Temporary Operator’s Permit (TOP) ang inisyu sa panahon ng operasyon.
Ang kampanya ng LTO ay alinsunod sa ipinatutupad na Republic Act No. 4136 at Road Safety.
Hinuli at tiniketan ang mga driver dahil sa mga paglabag tulad ng pagmamaneho ng mga hindi rehistradong sasakyan, walang ingat na pagmamaneho, at hindi pagdadala ng mga kinakailangang dokumento.
Saklaw ng operasyon ng LTO ang mga lugar sa Calapan City, Socorro, at Roxas sa Oriental Mindoro; Sablayan at Santa Cruz sa Occidental Mindoro; Odiongan, Romblon; at Boac sa Marinduque. | ulat ni Rey Ferrer