Nakilahok si Northern Luzon Command (NOLCOM) Commander Lieutenant General Fernyl Buca sa huling araw ng ikalawang Maritime Cooperative Activity (MCA) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at US Indopacific Command (USINDOPACOM) sa West Philippine Sea.
Sinimulan ni Gen. Buca ang kanyang misyon sakay ng BRP Ramon Alcaraz (PS-16), na nagsagawa ng maritime patrol sa karagatan ng Lubang Island kahapon.
Kasunod nito ay lumipat si Gen. Buca sa USS Carl Vinson (CVN70), ang Nimitz-class aircraft carrier ng Carrier Strike Group 1 ng US 7th fleet na nagpatrolya naman sa bisinidad ng Bajo de Masinloc.
Ang Bajo de Masinloc ay isa sa “resource-rich” na lugar sa West Phil. Sea na saklaw ng area of responsibility ng NOLCOM, kasama ang Philippine Rise (Benham Rise) sa Pacific Ocean, at ang “strategically important” na Batanes Strait.
Inihayag ni Gen. Buca ang buong suporta ng NOLCOM sa MCA at sinabing ito ay hindi lang paraan upang mapalakas ang pandepensang kapabilidad ng AFP, kung hindi pagkakataon para mas mapatatag ang matibay na alyansa ng Pilipinas at Estados Unidos. | ulat ni Leo Sarne
Photo: NOLCOM