Nag-abiso ngayon sa publiko ang pamahalaang Lungsod ng Quezon kaugnay ng sisimulan nang North Edsa Busway Stride Project.
Ayon sa LGU, magsisimula na ngayon, January 26 ang operasyon mula 11:00PM hanggang 5:00AM at tatagal ng 180 araw.
Partikular dito ang demolisyon ng footbridge crossing sa West Avenue/Paramount na malapit sa mall sa North EDSA.
Dahil dito, ang footbridge na nagdudugtong sa Cyber West at SM North EDSA ay pansamantalang hindi magagamit.
Pinapayuhan ang mga dumadaan dito na gawing alternatibo muna ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) footbridge.
Asahan din ang pagbabago ng ruta ng trapiko sa ilang araw sakaling magkaroon ng mga pagsasara ng lane.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ang konstruksyon ng SM North EDSA Concourse Project ay para magbigay daan sa EDSA Busway Project kung saan isang Busway Station ang idadagdag sa North EDSA tampok ang state of the art walkways, na may iba’t ibang access gaya ng escalators at elevators. | ulat ni Merry Ann Bastasa