Nanindigan ang National Security Council (NSC) na hindi tumutugma sa umiiral na sitwasyon sa Mindanao ang inilabas na Travel Advisory ng Canada na nagpapayo sa kanilang mga mamamayan na umiwas sa pagtungo sa naturang rehiyon.
Sa naturang Travel Advisory na may petsang January 10, inabisuhan ng Canadian government ang kanilang mga mamamayan na iwasan ang mga spesipikong lugar sa Pilipinas na karamihan ay sa Mindanao dahil sa krimen, terorismo, civil unrest, at kidnapping.
Sa isang statement, sinabi ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año na bagama’t nirerespeto ng NSC ang karapatan ng lahat ng pamahalaan na maglabas ng mga Travel Advisory para sa kaligtasan ng kanilang mga mamamayan, naniniwala ang NSC na mas makabubuti para sa lahat ang paggamit ng isang “nuanced approach”.
Kaugnay nito, inanyayahan ng kalihim ang mga representante ng pamahalaan ng Canada na makipagdialogo sa mga awtoridad sa Pilipinas upang mas maunawaan nila ang “context and nuances” ng sitwasyong panseguridad sa bansa. | ulat ni Leo Sarne