Hinikayat ng National Task Force To End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mga nalalabing miyembro ng New People’s Army (NPA) na sumuko na kung ayaw nilang makasuhan sa ilalim ng Anti-Terrorism Law.
Ang panawagan ay ginawa ni NTF-ELCAC Spokesperson at Director-designate ng NTF-ELCAC Integrated Communications Operations Center (ICOC) Joel Sy Egco, sa lingguhang pulong balitaan ng NTF-ELCAC.
Ito’y kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na naaayon sa Konstitusyon ang 99 na porsyento ng Anti Terrorism Act of 2020 o Republic Act 11479, at magiging epektibo ito sa January 15 ng taong kasalukuyan.
Una nang inanunsyo ng Department of Justice (DOJ) na nagsampa sila ng kaso laban sa 11 pinaghihinalaang miyembro ng NPA na nanambang sa mga tropa ng gobyerno sa Occidental Mindoro noong Mayo ng nakaraang taon, na magiging unang pagsubok sa Anti-Terrorism Law.
Ayon kay Egco, kapag ma-convict ang mga akusado sa kaso, ito ang magiging unang makasaysayang pagkapanalo sa korte sa ilalim ng Anti-Terrorism Law laban sa kilusang komunista. | ulat ni Leo Sarne