Pinuri ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang matagumpay na Joint operation ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Police Regional Office (PRO) 5 na nagresulta sa pagkakanutralisa ng Most Wanted Person sa Bicol Region.
Iniulat ng PNP chief na si Gilbert Concepcion alyas “Bet/Pogi,” at ang kanyang armadong kasamahan ay nasawi sa pakikipagbarilan sa mga pulis ng NCRPO at PRO-5 bandang alas-6 ng hapon nitong Miyerkules.
Si Concepcion, na lider ng Concepcion Criminal Gang na sangkot sa Gun-for-hire at Robbery-Extortion activities sa Albay at Camarines Sur, ay wanted sa kasong kidnapping, murder, rape, at direct assault, at nakalista bilang Most Wanted Person ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon sa PNP chief, ang matagumpay na Police operation ay halimbawa ng mas agresibong anti-criminality campaign na ipinatutupad ng PNP ngayong 2024.
Binati ng PNP chief si NCRPO Regional Director Police Major General Melencio Nartatez Jr. at PRO-5 Regional Director Police Brigadier General Andre Dizon para sa “job well done,” na naayon sa layunin ng pamahalaan na lumikha ng Bagong Pilipinas na mas ligtas at mas maunlad. | ulat ni Leo Sarne
📸: PRO-5