Pinaaayos ng ilang mambabatas ang discount option at online portals ng mga establisyimento upang mas maging madali ang pag-avail ng mga senior citizen at PWD ng kanilang discount benefit.
Ayon kay Senior Citizens party-list Rep. Rodolfo Ordanes, hindi dapat itinatago ng mga negosyo ang menu options para sa diskwento ng seniors at PWDs.
Tinukoy nito ang Cebu Pacific na may pinakamaayos na discount option kung saan awtomatikong natutukoy ang edad kapag nag-input ng date of transaction at date of birth at nalalaman na senior ang customer at naibibigay agad ang diskwento.
Kailangan din aniya na ayusin o i-upgrade ang point-of-sale counters ng mga tindahan para mas mapabilis ang pagbibigay ng discount sa mga senior, PWD at maging estudyante.
“Their machines and software should be updated. Most likely their machines and software are old and need to be reprogrammed. Underlying this problem is the businesses want to avoid incurring the expenses needed to comply.” Dagdag ni Ordanes.
Isang technical working group naman ang binuo ng House Committee on Ways and Means, Senior Citizens at Special Committee on Persons with Disabilities na siyang mangunguna sa pag-repaso at pag-amyenda sa kasalukuyang mga batas patungkol sa diskwento ng naturang mga sektor. | ulat ni Kathleen Jean Forbes