Palalakasin pa ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation o SAICT ang kanilang operasyon laban sa mga pasaway na motoristang pilit pa ring dumaraan sa busway at bike lane.
Ito ayon sa SAICT ay para mapanatili ang seguridad at kaligtasan ng mga pasahero sa lahat ng pampublikong sasakyan.
Batay sa datos ng SAICT, sa kanilang ikinasang operasyon sa nakalipas na magdamag, aabot sa 18 ang nabigyan ng Temporary Operator’s Permit habang 10 ang binigyan ng violation ticket kasama na ang 3 na-impound na sasakyan at motorsiklo.
Kabilang naman sa mga na-impound ang isang van na nahuli kagabi sa pagiging out of line na napag-alam nila na nahuli na pala ng MMDA sa hiwalay na operasyon dahil sa cutting trip.
Nakapagtala rin sila ng isang violator na taxi driver na nagtangkang tumakbo nang sitahin dahil sa pagsakay ng pasahero sa hindi tamang sakayan, at isang habal-habal na rider na nangontrata ng pasahero.
Pagtitiyak ng SAICT, aaraw-arawin nila ang operasyon sa pakikipagtulungan sa Philippine Coast Guard para manghuli ng mga pasaway at ipatupad ang batas. | ulat ni Jaymark Dagala
📷: SAICT