Muling umarangkada ang operasyon ng MMDA Special Operations Group-Strike Force sa kahabaan ng EDSA ngayong ikalawang araw ng Bagong Taon.
Partikular na binantayan ng MMDA ang Pioneer Southbound, EDSA Megamall Northbound, at Ortigas flyover Northbound para sa pagpapatupad ng EDSA Bus Lane policy.
Umabot sa 69 na hindi awtorisadong sasakyan ang nahuling dumadaan sa EDSA Bus Lane ngayong araw.
Patuloy ang paalala ng MMDA sa mga motorista na ang pwede lamang gumamit ng EDSA Busway ay ang mga ambulansiya, fire trucks, sasakyan ng Philippine National Police (PNP) at mga service vehicles para sa EDSA Busway Project gaya ng construction, security, janitorial, at maintenance services.
Samantala, pinapayagan naman na dumaan sa EDSA Bus Lane ang sasakyan ng Presidente, Bise Presidente, Senate President, Speaker of the House of Representatives, at Supreme Court Chief Justice. | ulat ni Diane Lear