Kumpiyansa si outgoing Sec. Benjamin Diokno sa kakayahan ni incoming Secretary at House Deputy Speaker Ralph Recto na pamunuan ang Department of Finance.
Sa isang pahayag, sinabi ni Diokno na masaya niyang inaanunsyo na kaniya nang itinu-turn over ang kanyang tungkulin sa bagong Kalihim.
Aniya, proud siya na lilisanin niya ang kaniyang pwesto na maayos ang estado ng ekonomiya ng bansa at ng Kagawaran ng Pananalapi kumpara noong panahon na maupo ito sa pwesto.
Simula July 1, 2022, ipinamalas ni Diokno ang kanyang komitment na isulong ang mga hangarin ng Marcos Jr. administration.
Pinamunuan din nito ang Philippine economic team sa pagbuo ng kauna-unahang Medium Term Fiscal Framework ng bansa at masusing pakikipag-ugnayan sa Kamara at Senado sa pagsusulong ng pambansang pondo at mga panukalang magpapaunlad ng ekonomiya.
Sa kaniyang dalawang taon na panunungkulan, naisagawa ang 12 international economic briefing kung saan nakakuha ng suporta ang Maharlika Investment Fund at natamo ang paglago ng bansa upang maiangat ang buhay ng bawat Pilipino. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes