Kapwa pinaglaanan ng Department of Tourism (DOT) at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) ang pagsasaayos para sa kilalang gusali ng Manila Central Post Office na aabot sa P15-milyon.
Sa inilaang P15-milyon, P6-milyon dito ay para sa disenyo ng shoring, construction scaffoldings, temporary roof, at methodology na gagamitin sa proyekto. P6-milyon para sa condition assessment plans at paggawa ng diagnostic results para sa mga nasirang area ng post office, habang P3-milyon ay para sa cost analysis ng kasalukuyang kalagayan ng MCPO.
Sa pahayag ni DOT Sec. Christina Garcia Frasco, binigyang diin nito ang kahalagahan ng pangangalaga para sa kultura at kasaysayan ng bansa. Sinabi rin nito na ang rehabilitasyon ng Post Office ay mag-aambag sa pag-promote ng kultura, sining, at kasaysayan ng mga Pilipino.
Sa planong ibinahagi ng DOT, layunin ng pamahalaan na buhayin ang neo-klasikal na istrakturang ito na bahagi ng muling pagbuhay ng Pasig River sa pamamagitan ng proyektong Pasig River Urban Development na magbibigay dagdag sigla sa turismo sa Maynila.
Maaalalang nasira ang nasabing gusali nang masunog ito noong Mayo noong nakarang taon. | ulat ni EJ Lazaro