Kumpiskado ng mga kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) ang halos P3-milyong halaga ng mga ukay-ukay sa Matnog Port na sinasabing labag sa ating batas.
Ayon sa ulat ng PCG, natuklasan ng PCG K9 team ang bawal na kalakalan ng mga ukay-ukay o mga gamit na damit habang nagsasagawa ang mga ito ng kanilang paneling inspection sa nasabing pantalan, dito rin napag-alaman ang kakulangan ng mga kinakailangang dokumento mula sa driver ng sasakyang lulan ang mga ukay-ukay.
Dito na kinumpiska ng PCG ang mga ukay items na sinasabing paglabag sa Republic Act No. 4653, na nagbabawal sa importasyon ng mga gamit na damit at rags o basahan upang mapanatili ang kalusugan ng publiko at dignidad ng bansa.
Ipinasa na ng PCG ang mga nasamsam na ukay-ukay sa Bureau of Customs (BOC) para sa masusing imbestigasyon at tamang pagtatapon. | ulat ni EJ Lazaro