Inalmahan ni Senador Raffy Tulfo ang pag-aangkat ng modern units ng jeepney mula sa China, na siyang ipampapalit sa mga lumang pampasaherong jeep ng Pilipinas bilang parte ng PUV Modernization Program.
Binigyang diin ni Tulfo, na kaya naman ng isang local jeepney manufacturer na gumawa ng isang de-kalidad na modern jeep sa mas mababang halaga.
Ipinunto ng senador na ang imported jeepney mula sa China ay nagkakahalaga ng P2.6 hanggang P2.9 million bawat unit.
Mas mahal ito sa isang brand new unit na kayang gawin ng local company gaya ng Sarao at Francisco Motors sa halagang P900,000 hanggang P985,000 lang ang bawat isa.
Sinabi ng mambabatas, na kung nasa P900,000 lang ang bibilhing jeepney ay mas kakayanin ng gobyerno ang subsidies para maipatupad ang modernization ng walang gastos mula sa jeepney drivers at operators.
Dagdag pa ni Tulfo, makakalikha rin ng dagdag na trabaho para sa mga Pilipino kung ang local companies ang pagkukunan ng modern jeepney units.
Makakatiyak rin aniya ang taumbayan na mapapanatili ang estilo, porma at disenyo ng Pinoy jeepney na naging simbolo na ng kultura ng ating bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion