Kabilang na ngayon ang mga homeless na pawang sa mga kalsada lamang nakatira sa mabebenepisyuhan ng Pag-abot Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kasunod ito ng inilabas na Executive Order No. 52 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na naglalayong mailayo ang street dwellers at iba pang mahihirap mula sa kalsada at matulungang maging produktibong miyembro ng lipunan.
Ayon sa Pangulo, hindi lamang financial assistance ang kabilang sa assistance packages sa ilalim ng Pag-abot Program kung hindi mayroon ding relocation, transitory shelter assistance, livelihood at maging ng employment assistance at psychosocial support.
Sa ilalim ng EO ay magkakaroon ng Inter-Agency Committee na titiyak sa implementasyon ng programa na pamumunuan ng Kalihim ng DSWD habang magsisilbing Vice Chairman ang DILG secretary.
Dagdag ng Pangulo na ang programa ay magbibigay ng katiyakan para sa epektibong pagbibigay ng serbisyo patahak sa pagsugpo ng kahirapan. | ulat ni Alvin Baltazar