Suportado ni Senate Committee on Basic Education Chairperson Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Education (DepEd) sa desisyon na alisin ang mga non-teaching task sa mga guro.
Inilabas kamakailan ng DepEd ang Department Order No. 002 kung saan nakasaad na hindi na gagawin ng mga guro ang mga trabahong tulad ng personnel administration; property at physical facilities custodianship; general administrative support; financial management; records management; at ang pagpapatakbo ng mga programang tulad ng feeding, school disaster risk and reduction management, at iba pang mga programa.
Para kay Gatchalian, kinikilala ng hakbang na ito ang mahalagang papel ng mga guro at pinapasimple ang kanilang mga responsibilidad.
Mahalaga aniya ito para maiangat ang kalidad ng sistema ng ating edukasyon sa bansa dahil mas matututukan na nila ang pagtuturo sa mga estudyante.
Sa tulong rin ng hakbang na ito ay umaasa ang senador na magbubunga ito ng performance at efficiency ng mga mag-aaral.
Ang pag-alis ng non-teaching tasks sa mga guro ng pampublikong paaralan ay isa sa mga probisyon sa ipinapanukalang Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill 2493) ni Gatchalian.
Isinusulong din ng panukalang batas ang pagha-hire ng sapat na non-teaching staff na magsasagawa ng administrative tasks. | ulat ni Nimfa Asuncion