Kumpiyansa ang National Economic and Development Authority (NEDA) na makapagbibigay ng ibayong benepisyo para sa bansa ang isinusulong na pag-amiyenda sa economic provisions ng Saligang Batas.
Ito ang binigyang-diin ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan makaraang muli nitong igiiit ang kanilang buong pagsuporta sa isinusulong na Charter Change na magpapalakas pang lalo sa ekonomiya ng bansa.
Kasunod nito, nilinaw ni Balisacan na hindi niya binanggit saan mang panayam o pulong-balitaan na makapagdudulot ng hidwaan sa pagitan ng Kamara at Senado ang isinusulong na Charter Change.
Sinabi ng kalihim na nangangamba lamang siya sa ilang hindi pagkakaunawaan ng dalawang Kapulungan subalit naniniwala siyang hindi naman ito hahantong sa sigalot sa pagitan ng mga mambabatas.
Dagdag pa ni Balisacan, sa katunayan ay tiwala silang ang isinusulong na pag-amiyenda sa Saligang Batas ay susi upang maalis na ang mga restrictions sa pamumuhunan na layong makahikayat pa ng mas maraming negosyo at makalikha ng trabaho.
Patuloy aniya nilang susuportahan ang mga hakbang upang makapagbigay ng magandang buhay para sa mga Pilipino na siya namang pangarap ng administrasyong Marcos Jr. sa ilalim ng Bagong Pilipinas at para sa mga mamamayan. | ulat ni Jaymark Dagala