Inaasahan na ni House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda ang pagbaba sa inflation rate para sa buwan ng Disyembre 2023.
Aniya, ang naitalang 3.9% inflation rate ng Philippine Statistics Authority ay pasok sa nauna na niyang pagtaya na dalawa hanggang apat na porsiyento sa pagtatapos ng taon.
Ngunit payo ng economist solon, na dapat ay tutukan ng pamahalaan ang sektor ng bigas kung saan bumilis ang inflation rate ng 19.6%.
Kung ikukumpara aniya sa ibang bilihin at serbisyo na bumagal o bumaba ang inflation, ang bigas ay hindi.
Tinukoy pa nito na nagkakaroon ng uptrend o pagtaas sa presyo ng bigas sa world market.
Kaya mahalaga aniya ang domestic at diplomatic na tugon ng pamahalaan dito.
Isa sa inihalimbawa ni Salceda, ang paghingi sa Asian Development Bank ng financing assistance para sa food subsidy program ng rice-producing countries gaya ng Pilipinas at India.
Kailangan din ayon sa mambabatas, na paghandaan ang epekto ng El Niño sa pananim.
Paalala nito, na kung mapapanatiling stable ang presyuhan ng bigas sa merkado ay magiging maganda ang ekonomiya ng bansa para sa 2024.
“On the domestic front, we must achieve another bumper crop this year – and that includes anticipating El Nino. Drought-resistant varieties must be made available where El Nino is expected to affect climate conditions.Rice accounts for as much as one-fifth of household budgets. Keeping its price stable has significant implications on wages and economic growth. If we can right the price of rice, 2024 will be a good year for the economy.” sabi ni Salceda | ulat ni Kathleen Forbes