Giniit ni Senador Nancy Binay na dapat pag-aralan munang mabuti bago ibalik sa June ang opening ng school calendar.
Paliwanag ni Binay, kailangang ibatay sa siyensya ang pagdedeklara ng school opening.
Ipinaalala ng senador, na isa sa dahilan ng paglalagay sa Agosto ng school opening ay ang mga bagyo kung saan nababawasan ang araw na ipinapasok ng mga estudyante.
Binigyang diin pa ng mambabatas, na dapat maging permanente ang anumang gagawing pagbabago at hindi babaguhing muli matapos ang ilang taon.
Kailangan din naman aniyang isaalang-alang ang panahon kung saan mas madaling matuto ang mga estudyante.
Sinabi naman ni Binay, na nauunawaan niyang mahirap mag-aral kapag mainit ang panahon lalo na ngayong may El Niño.
Pero dapat pag-aralan din aniya ang disenyo ng mga paaralan para mas maging komportable sa mga estudyante sa kanilang pag-aaral. | ulat ni Nimfa Asuncion