Isang panukala ang inihain sa Kamara para ipagbawal na ipasok sa loob ng mga restaurant at iba pang kainan ang mga alagang hayop gaya ng pusa at aso.
Sa House Bill 9570 o Pets in Food Establishments Act na inihain ni Kusug Tausug Party-list Rep. Shernee Tan-Tambut, pagbabawalan ang pagdadala ng alagang hayop sa loob ng kainan at pagpapagamit ng mga upuan dito.
Kasama rin dito ang service animals o dogs ng uniformed law enforcement o pribadong ahensya na naatasang magsagawa ng security function.
Punto ng mambabatas, maaari kasing magkaroon ng epekto sa kalusugan ang mga alagang hayop sa ibang customer lalo na yung mayroong mga allergy.
Maaari pa rin naman aniyang payagan ng kainan na dalhin ang mga alagang hayop bastat mayroon silang hiwalay na dining area sa labas ng establisyimento.
Kailangan din aniya na naka-diaper ang mga alaga, at ang pet-owner ang responsable sa paglilinis ng dumi ng kanilang alaga.
Kailangan naman na magtalaga ng isang empleyado na hindi naghahanda o naghahain ng pagkain na siyang tututok sa paglilinis at pag-sanitize ng lugar na pinagkainan ng customer na may kasamang alaga.
Sakaling maisabatas, ang mga lalabag na may-ari ng kainan, empleyado o pet owner ay maaaring patawan ng pagkakakulong at multa. | ulat ni Kathleen Forbes