Ipinagmalaki ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang mga hakbang na ginawa ng pamahalaan upang patuloy na protektahan ang purchasing power ng mga Pilipino.
Ito ang inihayag ng NEDA makaraang ilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pinakahuling inflation rate para sa buwan ng Disyembre ng nakalipas na taon kung saan, bumagal ito ng 3.9% mula sa dating 4.1% noong Nobyembre.
Ayon kay NEDA Sec. Arsenio Balisacan, nagresulta ito sa 6% kabuuang inflaton rate para sa buong 2023 kung kailan nilabas ang Executive Order no. 50 na nagpapalawig sa pagpapataw ng mababang taripa sa mga produktong agrikultura.
Kasunod nito, sinabi ni Balisacan na hindi pa rin sila magpapaka-kampante sa magandang resulta ng inflation dahil nariyan pa rin aniya ang banta ng El Niño hanggang sa Mayo na siyang inaasahang magpapataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Dahil dito, sinabi ng Kalihim, kailangang paspasan pa ang pagpapatupad ng National Action Plan kontra El Niño na layong pataasin ang resiliency ng mga komunidad at maibsan ang epekto ng matinding tagtuyot. | ulat ni Jaymark Dagala