Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na muli na itong nagbibigay ng mga Guarantee Letter (GL) sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Ito’y matapos ang ilang linggo ring suspensyon noong Disyembre habang ipinoproseso ang liquidation ng kanilang pondo para sa taong 2023.
Ayon sa DSWD, simula nitong Martes, January 2, 2024 ay maaari na muling mag-request ng GL sa tanggapan.
Samantala, ang outright cash assistance naman ay pansamantalang sinususpinde base sa alituntunin ng Department of Budget and Management (DBM) na naaayon sa umiiral na batas.
Ang suspensyon ng cash assistance sa ilalim ng AICS ay ipinapatupad ng DSWD tuwing simula ng fiscal year habang hinihintay ang pag-download sa pondo ng DSWD base sa probisyon ng General Appropriations Act (GAA).
Sa ilalim ng AICS program, binibigyan ng komprehensibong tulong ang mga lubos na nangangailangan kabilang ang cash assistance para sa food, transportation, medical services, at funeral costs. | ulat ni Merry Ann Bastasa