Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat lamang matamasa ng mga Pilipino ang isang malinis na kapaligiran, para na rin sa mga susunod pang henerasyon.
Pahayag ito ng Pangulo, sa harap ng National Community Development Day bukas, January 6, kung saan sisimulan ng Marcos administration ang 2024 sa pamamagitan ng Nationwide Clean Up Program sa buong bansa.
“Inaanyayahan ko kayong lahat na dumalo at sumali sa mga pagkilos, pagtitipon, at pagpapasinaya ng National Community Development Day ngayong darating na ika-6 ng Enero. That day is neither new or novel. Three Presidents before me have issued a proclamation encouraging our people to mark it in ways that best underscore the timeless ideals that community development hopes to achieve,” pahayag ng Pangulong Marcos.
Kaugnay nito, inatasan ng Pangulo ang mga bagong talagang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials na linisin ang mga kalsada, kanal, merkado, at mga paaralan sa kanilang nasasakupan.
“But community development encompasses not just cleanliness of our surroundings but embraces a long to-do list that makes a village viable, livable, the best place to raise a family, to retire happily, because body and soul are both cared for well. It includes children’s welfare, crime prevention, climate change adaptation, capacitating institutions to resolve local disputes, community health and nutrition, commerce and trade,” dagdag pa ng Pangulo.
Nanawagan rin ang Pangulong Marcos ng bayanihan, sa pagtugon sa polusyon at waste management sa bansa, para sa mas ligtas at mas malinis na kapaligiran para sa lahat ng Pilipino.
“Sa lahat ng Pilipinong tulad ko na kabilang sa isang barangay, inaanyayahan ko kayong lahat na dumalo at sumali sa mga pagkilos, pagtitipon at pagpapasinaya ng National Community Development Day ngayong darating na ika-6 ng Enero,” ani Pangulong Marcos.
Inatasan rin ng Pangulo ang mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaan na bigyang insentibo at pagkilala ang mga natatanging LGUs, na nagpapatupad ng mga aktibidad at programa para sa kalinisan.
Paalala pa ng Pangulo na ang mga tubig, ilog, at karagatan sa bansa ay hindi dapat ginagawang imbakan ng basura.
“Filipinos do not deserve dirty, dingy, or dark communities. Kaya kumilos tayo upang gawing maaliwalas at malinis ang ating kapaligiran. Dapat walang lugar, ni puwang, ang dumi, dugyot, at dilim sa ating pamayanan. Ang ating mga ilog po ay hindi basurahan, at lalong hindi imbakan ng dumi ang ating karagatan,” pagbibigay-diin ng Pangulo.
Hindi naman aniya tumitigil ang pamahalaan sa pagsusulong ng mga programa at proyekto para sa kalinisan. Gayunpaman, nanganganilangan aniya ito ng tulong mula sa lahat.
Dagdag pa ng Pangulo, “At the end of the day, it is not only modern equipment that will win the war against waste. It will be won by citizens equipped with the habit not to litter and whose allegiance to a clean and green community has become second nature to them.”
Sa ilalim ng Kalinisan sa Bagong Pilipinas program, layon ng Marcos administration na mahikayat at mapataas ang kamalayaan ng mga Pilipino kaugnay sa environmental responsibility at angkop na solid waste management.
“Kaya kung walang patid at pahinga ang kanilang trabaho, ang community development ay hindi rin dapat ipagdiriwang ng isang araw lamang sa buong taon. Every day must be Community Development Day. At iyan po ang prinsipyong tinutulak ng Build Better More upang agaran natin marating ang Bagong Pilipinas at ang mithiin nitong kaunlaran, kapayaan, kasaganahan para sa lahat,” paliwanag ng Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan