Ipinahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang dedikasyon ng Pilipinas pagdating sa international cooperation sa mga partners nito kasabay ng nakatakdang pagbisita ni UN Special Rapporteur on Freedom of Opinion and Expression Irene Khan sa bansa.
Binigyang-diin ng DFA na bukas at tapat ang Pilipinas sa collaboration nito kasama ang mga international partners tulad ng UN kung saan patuloy ang pag-promote ng bansa sa mga karapatang pantao na nakabase sa development agenda at good governance.
Nakatakdang bumisita si Khan mula Enero 23 hanggang Pebrero 2, at naglalayong patibayin ang ugnayan ng Pilipinas sa global norms at ang pangako nitong itaguyod ang karapatang pantao.
Ayon sa DFA, ang pagbisita na ito ni Khan ay pagkakataon para makita nito na ang gobyerno ng bansa ay bukas at patuloy na nagsusulong sa agenda nito hinggil sa pag-promote at pangangalaga sa freedom of speech and expression.
Si Khan na ang pangatlong UN Special Rapporteur na bumisita sa bansa sa nakalipas na 14 na buwan. Maaalala noong Nobyembre 2022 bumisita sa bansa si Special Rapporteur for the Sale and Exploitation of Children, Fatimah Singhateh at noong Nobyembre 2023 bumisita naman si Special Rapporteur for Climate Change and Human Rights, Dr. Ian Fry.
Nagsagawa rin noong Pebrero 2023 si Special Rapporteur for Extrajudicial, Summary or Arbitrary Executions, Morris Tidball-Binz, para sa isang academic visit dito sa Pilipinas. | ulat ni EJ Lazaro