Welcome para kay Senador Chiz Escudero ang binuong blacklisting committee ng Department of Agriculture (DA).
Ayon kay Escudero, ang hakbang na ito ay sang-ayon sa anti-corruption campaign ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at sa mga repormang nais nitong gawin sa ahensya.
Umaasa ang senador, na sa tulong ng binuong komite ay tunay na matutukoy ang totoong hoarders at smugglers ng mga produktong pang agrikultura.
Nagpahayag rin ng suporta si Escudero sa mga isinusulong na pagbabago ni Laurel sa DA, dalawang buwan matapos nitong maitalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa posisyon.
Buo ang tiwala ng mambabatas, na sa ilalim ng liderato ni Laurel ay maisasaayos ang DA at magagamit ng husto ang resources ng sektor ng agrikultura para mapataas ang gross domestic product (GDP) ng nasabing sektor. | ulat ni Nimfa Asuncion