Sinimulan na ng Senate Committee on Energy ang pagdinig tungkol sa naranasang power outage sa Panay Island at iba pang bahagi ng Western Visayas.
Sa kanyang opening statement, iginiit ni Committee on Energy Chairman Raffy Tulfo na paulit-ulit na ang problemang ito kaya hindi na ito pwedeng balewalain.
Ipinunto ni Tulfo na sa Iloilo pa lang ay nasa P1.5-billion na ang nawala sa mga negosyo dahil sa ilang araw na kawalan ng kuryente na nagsimula noong January 2.
Nanawagan rin ang senador sa mga resource person sa pagdinig na huwag nang magturuan at maghugas kamay sa kanilang pananagutan sa isyu.
Hindi na aniya pwede ang puro sorry na lang at dapat makapaglatag ng mga solusyon sa isyu.
Binigyang diin naman ni Senadora Risa Hontiveros na dapat lang na ibigay sa mga kababayan nating naapektuhan ng blackout ang full transparency at accountability, at hindi ang coverups at mga palusot.
Umaasa rin si Hontiveros na masasagot at maipapaliwanag ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kung bakit nangyari ang power outage at paano itong hindi na mangyayari ulit.
Sinabi pa ni Hontiveros na maaaring napapanahon nang rebyuhin ng Kongreso ang legislative franchise ng NGCP. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion