Tuloy-tuloy pa rin ang paghahanda ng pamahalaan ngayong araw sa Quirino Grandstand para sa isasagawang Bagong Pilipinas Kick-off Rally bukas, January 28, na inaasahang pupuntahan ng libo-libo nating mga kababayan.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, nakatayo na sa palibot ng Grandstand ang mga tents ng iba’t ibang booth tulad ng medical at food booth, gayundin ang LED walls na gagamitin, nakatindig na rin sa tapat ng stage.
Ang tent na gagamitin naman para sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair handa na rin para paglingkuran ang mga kababayan nating mag-a-avail bukas ng samu’t saring serbisyo mula sa mga ahensya ng pamahalaan.
May mga portalets na ring nakahanda para sa mga mangangailangan nito bukas. Patuloy rin ang clean up at clearing operations sa lugar para sa pagpapanatiling malinis at maluwag ang paligid ng Quirino Grandstand.
May mga naka-standby na rin na mga ambulansya at fire truck sa lugar bilang bahagi pa rin ng paghahanda sa kick-off rally bukas.
Patuloy naman ang paanyaya ng pamahalaan sa lahat na makiisa sa Bagong Pilipinas Kick-Off Rally sa Quirino Grandstand, alas-6:00 ng gabi. | ulat ni EJ Lazaro