Ikinagalak ni Senate Committee on Health Chairman Senador Christopher ‘Bong’ Go ang pagkakapirma bilang ganap na batas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng mga bagong batas na magtatatag ng College of Medicine programs sa apat na state universities sa Pilipinas.
Kabilang sa mga batas na ito ang pagbuo ng College of Medicine sa Benguet State University (RA 11970); Southern Luzon State University sa Lucban, Quezon (RA 11971); University of Eastern Philippines sa Catarman, Northern Samar (RA No. 11972); at Visayas State University sa Baybay, Leyte (RA No. 11974).
Ayon kay Go, ito ay isang patunay ng dedikasyon na pagbutihin ang sistema ng kalusugan sa Pilipinas.
Sinabi ng senador na ang mga batas na ito ay nagbibigay ng pag-asa at oportunidad para sa mga kabataang Pilipino na nangangarap maging doktor.
Binigyang diin rin ni Go ang pangmatagalang benepisyo ng mga batas na ito, kung saan maraming Pilipino ang mabibigyan ng oportunidad na magkaroon ng medical profession at mapapataas ang potensyal ng bansa para sa medical excellence.
Dinagdag rin ng senador na ang pagtatatag ng mga bagong colleges of medicine ay magsisilbi ring centers para sa research at innovation sa Pilipinas. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion