Ipinuntong muli ni Senador Sherwin Gatchalian ang pangangailangan na magkaroon ng energy transition plan ang Pilipinas sa gitna ng tumataas na panawagan para sa coal phaseout.
Ayon kay Gatchalian, kailangan ng bansa ng isang energy transition measure para ma-optimize ang ipapalit sa coal.
Kaugnay nito, una nang inihain ng senador ang Senate Bill 157 o ang panukalang magmamandato na bumuo ng isang energy transition plan para makamit ang planong phaseout ng fossil fuel plants at net zero emissions pagdating ng taong 2050.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na dahil boluntaryo ang pangakong pag-phase out ng coal ay kailangang may sapat na polisiya na magbibigay ng insentibo para sa naturang hakbang.
Inihain din ng mambabatas ang Senate Bill 485 o panukalang layong pagbutihin ang pagpapatupad ng net-metering program.
Layon nito na pasiglahin ang pamumuhunan sa sektor ng renewable energy, at naglalayong alisin ang 100-kilowatt (kW) na ceiling sa generation facilities na maaaring lumahok sa net metering program. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion