Pinapanukala sa Senado ang pagtatatag ng isang national preventive mechanism (NPM) na magiging attached agency ng Commission on Human Rights (CHR).
Sa inihaing Senate Bill 2522 na inihain nina Senador Francis Tolentino at Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, pinaliwanag na ang NPM ang magiging tugon at pagsunod ng Pilipinas sa sinang-ayunan nating UN Optional Protocol to the Convention against Torture and Other Cruel, Inhuman or Degrading Treatment or Punishment (OPCAT) noon pang April 17, 2012.
Ang national preventive mechanism (NPM) ang magsisilbing domestic version ng UN Subcommittee on Prevention of Torture and Other Cruel, Inhuman or Degrading Treatment or Punishment (SPT).
Mandato nitong bisitahin ang mga kulungan at iba pang places of detention; i-monitor ang pagtrato at kondisyon ng mga detainees; at bumuo ng mga rekomendasyon para maiwasan ang maling pagtrato sa mga detainees.
Bagama’t kasalukuyan nang ginagawa ng CHR ang surprise visit sa mga kulungan at detention facilities, giniit sa panukala na paigtingin ang mandatong ito ng CHR.| ulat ni Nimfa Asuncion